Nakatingin ka sa kanya sa malayo, napapangiti ka ngunit di mo alam kung bakit. Masaya ka habang tinitingnan sya.Maraming pagkakataon na ganun ang nararamdaman mo. Makita lang sya kahit nasa malayo masaya ka na. Pero iba ang panahong ito, sa pagkakataong ito nakatingin din sya sa 'yo at nakangiti pa. Dati rati madalas kang magkamali na ikaw ang tinitingnan nya at nginingitian, ngunit iba ngayon, hindi ang nasa hulihan mo o nasa unahan mo ang nginingitian nya kundi ikaw. Sigurado ka, ikaw yun. Ni minsan ay hindi mo naisip na darating ang araw na ngingiti sya sa'yo tulad ng mga ngiti nya ngayon. Nangangarap ka na sana huwag nang matapos pa ang oras na yun, na kung panaginip man yun ay ayaw mo nang magising pa. Gusto mong makulong ka na lamang sa panaginip na iyon. Kakaiba talaga ang pagkakatitig nya sa'yo, parang may kung ano na nagpapasaya sa kanya sa tuwing titingnan ka nya. Masarap isipin ang ganun. Perpekto na sana ang lahat, ayos na, ngunit bumaling ang iyong paningin sa bagay na kanyang hawak at nakadampi sa kanyang kanang tenga. Agad mong nahulaan kung ano ang bagay na yun. Ang kanyang cellphone.
Dapat nasanay ka na sa mga ganung pangyayari,hindi ka na dapat umasa pa na mangyayari ang mga panaginip mo. In-short nag-assume ka na naman at mali ka na naman ulit. Hanggang kelan ka ba mangangarap at mananaginip na bibigyan ka nya ng pansin at pagtingin. Hay, hindi nga kita maintindihan kung bakit pinagaaksyahan mo ng panahon ang mga taong hindi naman karapat-dapat pagaksyahan ng panahon.
Ngumingiti sya dahil masaya sya at hindi dahil sa'yo. At sigurado ka na na ang nagpapasaya sa kanya ay ang boses ng taong nasa kabilang linya ng telepono. Hindi mo kilala kung sino iyon. Marahil ay isa siya sa mga taong malapit sa kanya. Napansin mo na madalas syang ganun, lumalayo sa lahat habang may kausap sa telepono at pagkatapos nun ay abot-tenga kung makangiti. Hindi mo tuloy alam kung ano ang iisipin, kung sya ba ay may sira sa ulo o sadyang nais lamang pumukaw ng atensyon mula sa iba. Kung ano pa man ang dahilan, wala ka nang pakialam.
Walang pakialam, 'yan ang madalas sambitin ng mga labi mo. Pero nakailang banggit ka na nga ba sa mga katagang iyan? Kahit ako hindi ko na din mabilang. Paulit-ulit mo mang sabihin yan, bumabalik ka pa rin sa dati, nakikialam ka pa din. Meron pa ngang kasama ang mga katagang yan---kakalimutan ko na sya. (di ba tama ako?) Madalas mo din banggitin yan. Ang hindi ko lang maintindihan kung bakit ikaw mismo ang gumagawa ng paraan para hindi matupad ang mga pangakong binibitiwan mo sa iyong sarili. Ikaw nga ba ang gumagawa? O kahit ang sarili mo ay hindi mo na maintindihan? Marahil ay mahal mo talaga sya, kaya nahihirapan kang kalimutan sya. Pero alam mong hindi pwede yun dahil sinabi nya na sa 'yo kung sino talaga ang gusto niya. At hindi ikaw yun. Kelan mo nga naman pala itinatak sa isip mo na iba ang mahal nya? Sa mga ganyang pagkakataon nawawalan ka ng pakialam. Walang pakialam kung sino ang gusto nya basta alam mo mahal mo sya. Ok lang sa'yo na mahalin sya ng tahimik, ng hindi nya nalalaman. Sapat na sa'yo ang ganun, kahit na di nya tugunan ang pagmamahal na ibinibigay mo sa kanya. Ok lang. Tulad nga ng sinabi mo---hahayaan mo na lang na mahalin mo sya hanggang kaya mo...