Halos tatlong taon na ng una mo siyang nakilala, tanda mo pa ang mga panahong iyon. Siya ang pumukaw ng iyong atensyon mula sa maraming mag-aaral sa loob ng silid-aralan. Ng mga panahong iyon isang tanong lamang ang nais mong hanapan ng kasagutan- ano kaya ang pangalan nya.
Dumating ang inyong guro at lahat ay nagpasyang magsiupo, sa hindi mo maunawaang pangyayari kung bakit tila tadhana ang nagpasyang maupo siya sa katabi mong upuan. Napansin niyang nakatingin ka sa kanya at pinakawalan niya ang isang ngiting hindi mo malilimutan. Iyon ang una niyang ngiti sa iyo. Iyon ang unang araw ng klase at nagbigay ng mga "reminders" ang guro, ngunit isa man sa kanyang mga sinabi ay hindi mo naiintindihan. Hindi ka man nakatingin, ang buo mo namang atensyon ay nasa binatilyong iyong katabi. Tulad ng dati lahat ay dapat magpakilala. Kinabahan ka bigla at nahiya, sana wag ikaw ang unang tawagin. Ngunit hindi pinakinggan ang iyong dasal, bagkus ay malakas na tinawag ng guro ang iyong pangalan at inutusang pumunta sa unahan upang doon ipakilala ang iyong sarili. Napansin mong ang lahat ng atensyon ay nasa iyo, pati na ang atensyon ng iyong katabi. Nagsimula kang ipakilala ang iyong sarili. Kaunti lamang ang iyong sinabi dahil nahihiya ka na magtagal pa sa unahan. Pagkatapos ay umupo ka na muli sa iyong upuan. Ang iyong katabi ang huling tinawag ng guro upang magpakilala. Muli ay tiningnan mo siya habang naglalakad papunta sa unahan, matikas ang kanyang tindig. Bago siya magsimula ay tinawag ka ng guro. Nagulat ka at sabay tumayo. Pinalapit ka sa upuan na kanyang inuupuan. Malakas ang tambol ng iyong dibdib at hindi mo maintindihan kung bakit ka niya tinawag. Nang malapit ka na ay iniabot niya ang isang maliit na kuwaderno at inutusan kang pumunta sa "Principal's Office" upang ibigay iyon sa prinsipal. Kumunot ang iyong noo at nainis. Bakit naman sa lahat ng pwedeng utusan ay ikaw pa ang napili ng malditang gurong iyon. At bakit ngayon pa, kung kailan magpapakilala na ang kanina mo pang hinihintay. Miserable. Ngunit wala kang magagawa, guro mo siya at iyon ang unang araw ng klase. Nagpakawala ka ng isang matamis na ngiti kabaligtaran ng tunay mong nararamdaman ng mga oras na iyon. Nilisan mo ang silid-aralan na may sama ka ng loob sa gurong nakaupo sa unahan. Ngunit bago ka pa man makalabas ay tinangka mong lumingon at tingnan ang binatilyong nasa unahan. Makikilala mo din siya sigurado.
Nang pabalik ka na sa silid-aralan ay natanaw mong wala ng tao doon. Marahil ay maagang pinauwi ng guro ang lahat kaya nagpasya kang kunin ang iyong gamit upang makauwi na rin. Papalabas ka na ng silid-aralan ng makita mong hindi pala lahat ay umalis na, naroon pa siya. Ang binatilyong iyong katabi ay naroon pa at nakaupo sa upuan sa dulo ng silid-aralan. Nag-iisa siya. Nagulat ka at napakunot-noo. Hindi mo tinangkang magtanong dahil hindi mo alam kung paano mo sisimulan ang iyong pangungusap. Tinungo mo ang pinto nang biglang may tumawag sa iyong pangalan. Napalingon ka at napagtantong siya ang tumawag sa iyo. Nakangiti siya at ipinakita sa iyo ang isang aklat na hawak nya. Sinabi niyang ipinabibigay iyon ng guro sa kanya. Lahat ay binigyan ng ganoong klase ng aklat ngunit dahil wala siya at nasa "Principal's Office" ay siya na ang nagprisinta na hintayin ka upang iabot ang aklat sa iyo. Iniabot niya iyon sa iyo at kinuha mo sabay sabi ng salamat. Nagpaalam ka sa kanya upang umuwi na dahil naalala mong marami ka pang dapat gawin sa inyo. Tumalikod ka upang umalis na nang sinabi niya ang kanyang pangalan. Lumingon ka at napangiti, biglang mong naalala na hindi mo pa nga pala nalalaman ang kanyang pangalan. Masaya kang umalis ng paaralan ng araw na iyon.
Health is wealth - tip
1 year ago
